Alamat ng Bulag, Pipi at Bingi



"Hindi ako kailanman matatakot ipaglaban ang bayan!"

     Nagising na lamang ako na paos na paos at tumatagaktak ang pawis na tila nakipaghabulan sa kamatayan.

      "Anak, binangungot ka na naman ba?" bungad sa akin ni ina matapos nitong ihain ang aking almusal bago pumasok sa araw na ito.

     “Opo, katulad pa rin ng dati. Nagigising akong tila nasa bingit na ng aking huling hininga ngunit pagdilat ng aking mga mata'y hindi ko na maalala ang bangungot na bumabagabag sa akin."

      Sanay na ang aking ina sa ganitong sitwasyon tuwing umaga sapagkat palagi na lamang akong nagkakaroon ng masamang panaginip na tila ay may hindi magandang nangyari sa kahapong nagdaan. Ngunit sa tuwing inaalala ko ito, akin lamang natatandaan ang normal na daloy ng araw ko, papasok sa paaralan, pag-uwi ay tutulong kay inay sa tindahan at gagawa na ng takdang-aralin.

     "Huwag mo nang masyadong isipin iyon anak, pumasok ka na at baka mahuli ka pa sa iyong klase ngayong araw."

      Matapos ang biling iyon ay naggayak na ako sa pagpasok sa paaralan. Bago ako umalis ay nakinig pa ako nang bahagya sa balita sa telebisyon upang malaman ang kaganapan sa bansa ngayon. Napapansin kong maganda ang pamamalakad ni Pang. Liporada sa bansa. Nasusugpo niya ang mga pangunahing krimen gaya na lamang ng droga at korupsiyon na lubhang talamak sa bansa.

       Makulimlim ang panahon ngayon at nagbabadya pang umulan. Ang malas ko naman, sumulyap na ako sa telebisyon kanina ay hindi ko pa inalam ang lagay ng panahon ngayon.

      "Ito na naman si Paolo na kahit kailan ay hindi nakaalalang magdala ng payong!" bungad na bati sa akin ni Richelle, kaibigan ko.

     "Aba, anong malay ko sa panahon ngayon. Narito ka naman, ang girl scout ng Katipunan," pabiro kong tugon.

      Magkasilong kami sa iisang payong papunta sa terminal ng dyip na aming sasakyan papasok sa paaralan. Nakakapagtakang maulan ang panahon ngunit matagal mapuno ang dyip. Habang naghihintay ay napatingin ako sa bintana kung saan matatanaw ang malaking simboryo ng Palasyo.

    "Mayaman daw ang mga nagtatrabaho riyan, palibhasa pugad ng mga magnanakaw."

     Nasanay na ako sa ganitong mga salita ni Richelle dahil siya ay taliwas sa pamamalakad ng gobyerno.

     "Nanood akong balita kanina, maayos naman daw ang proyekto niya sa bansa," tugon ko na paniguradong kokontrahin niya.

     "Anong maayos? Hindi kailanman magiging maayos ang paggamit ng dahas at karahasan, Paolo. Kung nais nilang maging payapa ang sistema ng bansa, pitasin nila ang mismong mga puno't dulo ng mga krimen—ang kahirapan na dulot ng mga nagpapahirap. Nangyayari lamang ito dahil sa pagsasawalang-bahala ng mga tao sa tunay na kalaban. Matitigil ito sa oras na matauhan na ang sambayanan."

      Naiintindihan ko ang saloobin ni Richelle sapagkat namatay ang kanyang mga magulang sa isang engkuwentro ng mga aktibista at ng mga pulis. Ayon sa report, may mga nakatagong kontrabando raw ang grupo kabilang ang magulang ni Richelle ngunit matapos ang ilang taong imbestigasyon ay nadiskubreng planado pala ito. Nakakalungkot lamang na huli na ang lahat sapagkat ang kanyang mga magulang ay kasama sa nasawi sa nasabing engkwentro.

     Naging maayos ang takbo ng aking araw at walang ibinigay na takdang-aralin maliban sa isang asignatura na inatasan kaming makipanayam sa mga opisyal ng gobyerno.

    "Wala naman tayong mapapala sa kanila, papaikutin lang nila ang ating mga ulo!" bugnot na wika ni Richelle na siya ring aking kasama sa proyektong ito. Paniguradong hindi siya natutuwa sa gawaing ito ngunit bilang pangangailangan sa paaralan ay kailangan namin itong matapos.

      Pagpasok pa lamang sa simboryo ay iba na ang ihip ng hangin. Hindi ko mailarawan ang aking nararamdaman ngunit tila may kakaiba sa lugar na ito.

      "Patawad po ngunit walang bakanteng opisyal ngayon dito sa Palasyo, mabuting magtakda na lamang kayo ng pagkikita—" ngunit naputol ang kanyang pagsasalita nang sumabat ang kararating lamang na makisig na lalaking may humigit kumulang dalawampung guwardiya.

      "Hindi na, patuluyuin niyo sila sa aking opisina. Ako ang bahalang magpa-unlak sa mga magigiliw na mag-aaral na ito," sabay alis ng may ngiti sa labi.

        Nanlaki ang aking mga mata nang mapagtanto na si Pang. Liporada ang aming makakapanayam sa takdang ito! Ngunit kung anong labis ng aking tuwa ay siya namang himutok ng aking kasama. Ilang beses pa siyang nagtangkang umalis upang hindi matuloy ang panayam ngunit inalalayan na kami ng mga naiwang guwardiya ng pangulo upang tumungo sa kanyang opisina.

     "Maaari kayong maupo, balita ko ay nais niyo raw akong makapanayam? Mabuti at bakante ang aking oras. Mayroon kayong tatlumpung minuto upang maitanong ang mga nais ninyong itanong." Iba pala talaga ang pakiramdam kapag kaharap mo na ang mismong pangulo ngunit hindi pa rin mawala ang puwang sa akin ng kaba sa aming sitwasyon.

     "Salamat po sa inyong pagpapaunlak, mahal na Pangulo. Narito po ang mga tanong na aming inihanda," magalang kong tugon sapagkat tahimik lamang si Richelle sa aking tabi. Nakasisiguro akong hindi ito magsasalita kaya't dinapuan ako ng konsensiya na pinilit ko pa siya sa gawaing ito.

     "Hijo, nais ko ring marinig ang tinig ng magandang dilag na nasa iyong tabi. Siya ba ay iyong kaklase? Bakit hindi siya ang magpahatid ng mga tanong sa akin upang hindi ka mapagod sa ating usapan?" Nabigla ako sa sinabi ng pangulo at napatingin kay Richelle

    "Hindi ako interesado," mabilis at paismid nitong tugon.

    "Nais kong malaman kung bakit? Hijo, may dalaw ba ngayon ang iyong kaibigan at maging mismong pangulo ng bansa ay ganyan kung itrato?" tumataas na ang boses ng pangulo kaya't natatakot ako sa mga susunod pang mangyayari.

      "Hindi mo ba ako natatandaan? Sabagay, wala ka namang puso upang matandaan ang bawat buhay na iyong kinikitil at sinisira. Pamilyar ba sa iyo ang mga Martinez? ang mga aktibistang iyong sinira ang buhay dahil sa bulok na sistemang iyong pinapatupad?!" hinawakan ko na sa kamay si Richelle upang siya ay pigilan. Hindi talaga magandang desisyon ang pagpunta namin dito sa simboryo.

      "Hijo, mukhang hindi maganda ang timpla ng iyong butihing kaibigan?" kalmadong wika ni Pang. Liporada sa kabila ng marahas na tugon ni Richelle.

     "Tigilan mo si Paolo puwede ba? Alam kong kilala mo rin siya! Anak siya ni Cong. Juarez na iyong pinaslang dahil binulgar ka nito sa korupsiyon na inyong ginagawa sa siyudad!"

      "Paano ka nakasisigurong si Pang. Liporada ang pumatay sa ama ko? Hindi ba’t napag-usapan na natin ito?" pinanlakihan ko ng mata si Richelle.

       "Paolo gumising ka na sa katotohanan! Itigil mo na ang pagsamba sa isang tiwaling politiko na pareho nating alam na pinaslang hindi lang ang mga magulang natin kung hindi maging ang buhay ng buong sambayanan!"

      Hindi pa man kumakalma nang husto si Richelle ay may bigla nang nagbukas ng pinto na mga guwardiya ngunit kakaiba ang kanilang itim na suot mula ulo hanggang paa.

     "Ngayong may mga hindi kanais-nais na salitang lumabas sa inyong mga bibig, nararapat lamang kayong parusahan gaya ng batang sumagot-sagot sa kanyang magulang, hindi ba? Ngunit kakaiba ang aking parusa sapagkat may kalayaan kayong mamili."

        Nanginginig na ako sa magkahalong kaba, galit, at takot sa sitwasyon namin ngayon. Aaminin kong natauhan ako sa mga salita ni Richelle sapagkat noon pa man ay inilalahad na niya sa akin ang katiwalian ng pamahalaang ito ngunit ipinagsasawalang-bahala ko pa rin sa takot na matulad lamang ako sa kanyang mga magulang, at sa aking ama.

      "Una, lalabas kayo ng simboryong ito na may lamang salapi ang inyong mga bangko, scholarship hanggang sa makatapos kayo ng kolehiyo, at nag-aabang na magandang trabaho bago pa man kayo makapagtapos."

   "Hindi kami mukhang pera!" nangagalaiting sagot ni Richelle.

   "O pangalawa, magsisisi kayong hindi niyo pipiliin ang nauna?"

    "Hindi mo kami masisindak! Walang kahit anumang milyon ang kabayaran sa ginawa mo sa aming mga pamilya at sa bansa! Nilapastangan mo ang isipan ng bawat mamamayan upang maniwala sa iyong kasinungalingan!"

     Isang ngiti lamang ang isinukli ni Pang. Liporada sabay sulyap sa kaniyang mga bagong pasok na kawani.

     "Limuel, alam mo na ang iyong gagawin." Sa pagtango ng tila lider ng grupo ay marahas nila kaming hinawakan.

      "Ano ang gagawin niyo sa amin?! Bitawan niyo kami! Isusumbong namin kayo sa pulis!" kinakabahang wika ko dahil hindi ko na rin alam ang gagawin.

     "Mga bata, iyan ang napapala ng paglabag sa batas," matapobreng wika niya habang hawak kami ng kaniyang mga guwardiya.

      "Kahit kailanman ay hindi mapupunta sa kamay ninyo ang batas! Balang araw ay magigising rin ang mga mamamayan sa katiwalian ninyo!" nagpupumiglas na sigaw ni Richelle.

      "Magigising? Mangyayari lamang iyon sa inyo kapag gumana na ang timpla ng gamot na magpapasunod sa inyo sa aming mga kamay."

     Nagtataka man sa kaniyang winika ay hindi ko na ito maisip nang tuluyan nang manlabo ang aking paningin at bumigat ang mata. Bago mawalan ng malay, tanging sigaw na lamang ni Richelle ang aking narinig na nagsasabing,

    "Hindi ako kailanman matatakot ipaglaban ang bayan!"

    Nagising na lamang ako na paos na paos at tumatagaktak ang pawis na tila nakipaghabulan sa kamatayan.

    "Anak, binangungot ka na naman ba?"




Comments

Popular Posts